Here is what Revillame said during the conference.
"Ako po ay nagpapaalam na sa ABS-CBN. Tinatapos ko na po ang kontrata ko sa ABS-CBN na naging kapamilya ko."
Ito ang buod ng mensahe ng controversial TV host na si Willie Revillame sa presscon na ipinatawag niya kaninang tanghali, August 9, sa Annabel's restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.
Punung-puno ang main hall ng venue ng press, TV crew, mga abugado, at supporters ni Willie. Bukod sa legal counsels ni Willie na sina Atty. Leonard de Vera at Atty. Ferdinand Domingo, nagpakita rin ng suporta kay Willie ang Team Pacquiao, sa pangunguna ng business manager ni Congressman Manny Pacquiao na si Mr. Eric Pineda; ang big boss ng Viva Entertainment na si Mr. Vic del Rosario; ang columnist at TV host na si Cristy Fermin; ang singer-composer na si Lito Camo; ang dating aktres na si Daisy Romualdez; at ang talent manager na si Annabelle Rama.
Bago magtanong ang press kay Willie ay ikinuwento muna niya ang mga kaganapan bago siya nauwi sa desisyong tapusin na ang kontrata niya sa ABS-CBN.
"Pinag-isipan ko ho 'tong mabuti, ipinagdasal ko at ako po'y nakipag-usap sa mga taong talaga namang nagmamahal sa akin, kapamilya ko, sa mga kaibigang malalapit sa akin, at sa akin pong mga pinagkakatiwalaang abogado, at sa akin pong pinagkakatiwalaan sa business po ng industriya," simula ng TV host.
Ayon kay Willie, babalik na siya dapat sa Wowowee noong July 31, 2010. Pero nagulat na lamang siya nang mabago ang usapan at palitan ng panibagong programa ang kanyang noontime show.
"Marami na pong pag-uusap na nangyari, naghanda na po kami," sabi niya. "Magsisimula po ako sa unang pangyayari dahil ako po'y humingi na naman ng tawad sa pangyayari, nung unang pangyayari na ako'y umalis sa Wowowee. Tinanggap naman po 'yon ng buong pamunuan ng ABS-CBN.
"Noon pong bago mag July 10, si Ms. Linggit Tan, ang production head po ng ABS-CBN, she's been texting me at siya po'y tumawag sa 'kin para mag-usap. Dahil po nung mga panahon na 'yon, parang ayaw ko na ho sanang lumabas sa telebisyon muna. Sabi ko, aayusin ko muna yung sarili ko kung bakit nangyayari sa akin 'tong ganito."
THE FIRST MEETING. Ang unang meeting nila ay nangyari nga noong July 10, 2010, Sabado ng hapon, sa bahay ni Willie sa Tagyatay. Nagkataon daw kasing may event doon sa Tagaytay ang mga business unit head ng ABS-CBN. Kasama rin daw sa meeting na iyon ang business unit head ng Wowowee na si Jay Montelibano, ang abugado ni Willie na si Atty. Domingo, at ang kaibigan niyang si Roy Reyes.
"Ang napag-usapan po namin nila Ms. Linggit Tan ay yung pagbabalik ko ng July 31 sa ABS at sa Wowowee," sabi ni Willie. "Napag-usapan na po naming lahat kung ano ang mga bagong segment, kung ano po ang gagawin sa bagong programa...bagong mga games po. At the same time, ibinigay ko yung mga ideas ko sa mga bagong games. Meron akong mga sinabi sa kanila 'ganito ang gawin natin, 'eto ang gawin natin.' Okay naman po yun. Meron akong mga segments na sinabi... 'Gusto ko yung '1-2-3 Go!' Meron akong sinabi na 'Spin A Wheel'...so, mas marami.
"At the same time, nakipag-usap na rin po ako sa pamunuan ng ibang mga sponsors para magbigay ho ng bahay at lupa. Para sa araw-araw na pagbalik ko, gusto ko mas maraming matulungan at mas maraming mapasayang kababayan natin. Ibinigay ko sa kanila yung concept. Pati yung music, pinadinig ko lahat. That was July 10."
Dagdag niya, "Pagkatapos po ng pag-uusap namin, okay na ang lahat, naging kampante na ako. Nai-announce na 'ata sa staff na ako'y babalik na at naging masaya ang staff. Naging okay naman ho sa feedback."
THE SECOND MEETING. Pagkatapos ng meeting ni Willie kay Ms. Linggit ay nakipag-meeting din siya sa mismong Presidente ng ABS-CBN na si Ms. Charo Santos-Concio. Naganap ang meeting nina Willie at Ms. Charo sa opisina ng huli noong July 13 (Tuesday). Kasama rin sa meeting na iyon ang dating manager ni Willie na si Arlene de Castro, misis ni dating Vice President Noli de Castro; ang creative director ng Wowowee na si Edgar "Bobot" Mortiz; at si Ms. Linggit ulit.
"So, napag-usapan po dun yung pong sinasabi nilang babalik na ako, okay na lahat," sabi ni Willie. "Binanggit na ni Ma'am Charo lahat ng mga ideas, okay naman sa kanya. Sabi nga niya, 'Ngayon, dapat mas maganda na, mas marami tayong mapasaya, matutulungan sa pagbabalik mo.'
"Ibinigay ko na rin po yung concept nung bagong mga games. Kung ano yung napag-usapan namin ni Ms. Linggit, yun din ho ang napag-usapan namin at napagkasunduan namin ni Ma'am Charo at sa mga kasama namin do'n, ni Direk Bobot, ni Miss Linggit Tan.
"Sa pagkakaalam ko ho, tapos na ang lahat, magbabalik na ako [sa Wowowee] ng 31," patuloy ng TV host. "Pagkatapos po no'n, nag-akapan pa kami ni Ma'am Charo. Sinabi po ni Ma'am Charo na, 'Galingan mo, okay na.' 'So, Ma'am Charo, puwede na ba akong makipag-meeting sa aking mga staff?'
"After ng meeting ko po sa opisina ni Ma'am Charo, ipinatawag naman yung core group ng Wowowee—ang aming head writer, ang aming business unit head, the EP, the writers at yung mga set decorators. At the same time, nag-meeting na ako with the staff. At sabi namin, confidential, para hindi muna magulo yung mga staff.
"So, napagkasunsuan po na babalik na ako sa July 31," ulit ni Willie. "Sa July 31 pong yun, naghanda, excited na ang lahat. Ako po'y nag-isip na ng mga bagong... Lumapit na rin po ako sa Vista Land para magbigay ng labindalawang bahay, ibinigay naman po sa akin ng Vista Land. Lumapit naman po ako sa mga sponsors na madadagdagan ko pa yung saya at papremyo sa bagong gagawin naming Wowowee.
"Sa lahat po ng 'yon, after ng meeting ko kay Ma'am Charo, pinag-isipan ko na. Ako po'y nag-isip munang lahat kung ano yung gagawin ko para mas maganda yung programa. At ang balak ko sa opening, napakaganda po ng opening, dun sana ako magsasalita at hihingi sana ako ng paumanhin kung ako man ay may nasaktan at may na-offend sa ating mga kababayan sa huling pangyayari.
"Ganon naman ang buhay, e, nobody's perfect, lahat," dagdag ni Willie. "Lunes hanggang Sabado ho ang trabaho ko sa Wowowee, alas-nuwebe ng umaga hanggang gabi. Wala na akong panahon sa sarili ko, Linggo lang. Sa Linggo, tumatawag pa ako sa staff ko kung nakakita ako ng bagong music, ibibigay ba yung music. My life, ang buhay ko po, ay Wowowee na.
"February 5, 2005 nagsimula po ang Wowowee, wala naman akong sakit sa puso, wala naman akong sakit sa ulcer... Hindi ko sinisisi ang Wowowee. Ang sinasabi ko lang, sa sobrang pagmamahal ko po sa programa ng bawat Pilipino na Wowowee, e, medyo napabayaan ko na yung sarili ko.
"So, yun po ang isa sa rason din sa buhay ko kung bakit nandito rin ako sa inyo. Gusto kong malaman n'yo na talagang ibinuhos ko ang buhay ko, magpasaya ng tao every day."
THE THIRD MEETING. Nang akala ni Willie na ayos na ang lahat para sa pagbabalik niya sa Wowowee, nakatanggap siya ulit ng mensahe mula kay Ms. Linggit Tan noong July 20, Tuesday.
Kuwento ni Willie, "Tinext muna niya 'ko, tinawagan ko siya. 'Puwede ba tayong mag-usap?' sabi niya sa text. Tinawagan ko, sabi ko, 'Bakit, ano pag-uusapan?' May kaba na ako, may nararamdaman na akong kaba. Sabi ko, 'Hindi ako puwede bukas ng Wednesday, ngayong araw na 'to na lang.' So, nag-meeting kami sa Imperial Suites sa isang kuwarto roon."
Present din daw sa meeting na 'yon sina Jay Montelibano at Bobot Mortiz.
"Sabi ko, 'Ano'ng pagmi-meeting-an natin? Alam ko, ayos na lahat.' Ang sabi niya [Ms. Linggit] sa akin, 'Okay lang ba sa 'yo na once a week ka na lang sa show?' Parang nagulat ako. 'O kaya, magkaroon ka na lang ng show sa Studio 23?' Parang lahat po ng mga inisip kong idea, lahat ng pinaglaanan ko ng panahon na ipagbubuti ko 'tong Wowowee ay nawala, naglaho, nung sinabi sa akin 'yon. Ang tanong ko sa kanya, 'Bakit? Ano'ng nangyari?' 'Well,' ang sabi niya, 'marami pang may ayaw sa 'yong bumalik ka.'
"I have to be honest, sasabihin ko lang yung katotohanan," diin ni Willie. "Hindi ho ako naninira at never kong sasabihan ng masama ang ABS dahil nabago ng ABS-CBN ang buhay ko, at malaki ang utang na loob ko kay Mr. [Gabby] Lopez, at sa mga namumuno po ng ABS-CBN. Wala ni isang salita na masama na ginawa sa akin ng ABS. Ang sinasabi ko lang po, yung event na nangyari kung bakit hindi na ako nakabalik sa ABS, sa Wowowee.
"So, nung sinabi niya sa akin 'yon, sabi ko, 'Napakasakit ng ginagawa n'yo sa akin kasi nagsara na tayo, nag-usap na tayo, tapos sasabihin mo sa akin na hindi ako tanggap,' at marami pa raw e-mails na ayaw pa akong pabalikin.
"Ngayon, nando'n ho sa harap namin si Jay, ang tanong ko sa kanya: 'Jay, kamusta ba ratings ng Wowowee? Ano'ng ratings n'yo?' Umabot na sa single digit—9 percent—ang ratings. 'Kamusta ang pila n'yo?' 'Kuya, wala na pong pumipila, naghahakot na kami ng tao.' Sabi ko, 'Linggit, 'eto ba ang inaayawan ng tao?'
"Kasi ang punto ko, kung ayaw sa akin ng tao, dapat nag-rate na ng bente mahigit 'yan. Kasi nung umalis ho ako sa Wowowee, nasa 22 [percent] po ang ratings ng Wowowee... Hindi ko pinagmamayabang na noong nandon ako, e, mataas ang ratings, hindi ho. Ang ibig kong sabihin, ganyan ho kamahal ng publiko, ng buong mundo ang programang 'yan kasi binibigyan ko ng importansiya ang bawat Pilipino sa programang 'yan.
"Doon lang ako nagtataka na after that meeting, iba na ang programa, nagkaroon na ng bagong noontime show," pahayag ni Willie.
Ang tinutukoy ni Willie na "bagong noontime show" ay ang Pilipinas, Win Na Win! na nagsimulang umere noong July 31—ang petsa kung kailan sana babalik siya sa Wowowee. Ang Pilipinas Win Na Win! ay hinu-host nina Kris Aquino, Pokwang, Mariel Rodriguez, Valerie Concepcion, at Kris Aquino.
WILLIE'S DECISION. "So, from that time," patuloy ni Willie, "nagdesisyon na ho ako agad. 'Eto na ang panahon para magdesisyon ako sa buhay ko. Ang gusto ko lang gawin sa buhay ko, magpasaya araw-araw. Sa sarili ko, kung kaya kong makatulong sa mga kababayan nating kapus-palad, gagawin ko 'yon. Kung sabi n'yo nag-iba na, mayabang na, never ho akong naging mayabang. Nagiging tooo lang ako sa inyong lahat, 'yan ho ang katotohanan."
At dito na nga idineklara ni Willie ang kanyang desisyon na magpaalam at tapusin na ang kanyang kontrata sa ABS-CBN.
"Ngayon, sa araw hong ito, sa inyong lahat sa mata ng bawat Pilipino, sa buong mundo, lahat dito, para na lang po sa kapakanan ng lahat, sa mga taong nahihirapan din sa sitwasyon ng ABS CBN sa aking pagbabalik. Ako na ho ang gagawa ng paraan para lang hindi sila mahirapan. Ako po ay nagpapaalam na sa ABS-CBN. Ako po ay tinatapos ko na ang kontrata ko sa ABS-CBN na naging kapamilya ko.
"Wala po akong masasabing masama sa kanila. 'Eto lang po ay sarili kong desisyon para makapag-move on na po at makagawa po ako ng programa ko para sa sarili ko at gusto ko. Hindi na po ako puwedeng magkaroon ng isang show na once a week dahil sa kontrata ko po, sa pagkakaalam ko, every day po ang aking dapat gagawin hanggang September 2011.
"Basta ngayon po, sa araw na ito, sa sarili ko, nagpapaalam na po ako sa ABS-CBN, at tapos na po ang kontrata ko sa kanila. Thank you," saad ni Willie.
No comments:
Post a Comment